Home » Post Item » Sa pag-usad ng araw.
" Hindi mo mapapatigil ang pag-ikot ng mundo para sa isang tao. Sos! Ano ka superhero? :p


Sa pag-usad ng araw.

October 1, 2010

Isarado na ang pahina ng nakaraang buwan. Tapos na ang pagbabasa sa mga letrang kahit kailan hindi na maaring magtugma. Punasan na ang luha. Tapos na ang Setyembre ko! Uusad ang araw, malilimutan ko din lahat ng nangyari. Hindi ko ibibigay ang pagpapatawad sa dahilang wala naman dapat ihingi nito. Walang may kasalanan.

Uusad ang araw. Babalik ako sa dati, may mga pagkakataon na halos hindi na kita maiisip. Malilimutan ko kahit ang pangalan mo. Malilimutan ko na ikaw ang dahilan kung bakit nakukomplete ang araw ko. Uusad ako. Dahan dahan pero masaya akong sabihin na nag-uumpisa ako ng maayos, naayon sa plano.

Naiisip ko habang nasa tren ako kanina, kung bakit nangyari ng biglaan ang lahat. Sa loob ng halos dalawang buwan na hindi natin paguusap, makailang beses din akong umiyak. Unti unti akong nasanay na wala ka. At ngayon sa hindi mapigilang pag-usad ng araw, unti unti ring nawawala ang nararamdaman ko, nababawasan. Siguro nga hindi ako nabigyan ng pagkakataon. Pagkakataon na hindi mo naman gusto. Nagulat din ako dahil ngayon kahit hindi pa naghihilom ang mga sugat, hindi ko mapigilang hindi matawa. Dati, sabi mo hindi pa ako handa dahil lugmok pa rin ako sa nakaraang relasyon na wala naman pinatunguan. Hindi nga daw ako inaalagaan ng maayos. Sabi mo susubukan mong alagaan ako. Hindi mo tinupad. Papatunayan ko na lang na kaya kong alagaan ang sarili ko. Hindi kita kailangan.

Tama ka, mabubuhay ako. Ilalakad ko ng matuwid ang buhay ko. Masasanay ako ng mabilis. Kakalabanin ko ang takot. Magiging malakas ako kasabay ng pagiging mahina. Magbabago ang lahat. Magpapalit ng kulay ang mga dahon. Mag-iiba ang klima. Magtatago ang araw at maiiwan ang buwan.

Kung nasaktan kita, pasensya ka na. Pinili kong talikuran lahat para hindi mo ako makita, makita akong ganito. Hindi ko maibibigay ang hiling mo na manatili ako, na hindi kita iiwan, na patuloy akong makikinig. Maninibago man ako na hindi marinig ang tawa at halakhak mo. Hindi man ako ngayon ang dahilan kung bakit ka masaya. Kahit hindi na ako ang parating nandyan para sayo patuloy ko pa ring isasama sa dalangin ko sa Kanya na itulot nya sa inyo ang tunay na kaligayan ng buhay. 

“Hindi man naging masaya ang katapusan ng inakala kong fairy tale ng buhay ko, aasa pa rin ako dadating din ang isang tao na habang buhay kong aasarin, kasabay kong magbabasa ng libro nina bob ong, harry potter at judith mcnaught. Higit sa lahat, isang tao na kailan man hindi na gagawang bitawan ang mga kamay ko.”

 

Posted by yeinechan at 7:18 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment