Home » Post Item » …..
" Hindi mo mapapatigil ang pag-ikot ng mundo para sa isang tao. Sos! Ano ka superhero? :p


…..

August 30, 2010
Sakto, alas-dose ng umaga, Lunes..magandang simulan ang araw ko ng masaya ako. Marami-rami na rin akong isinulat kanina pero pinili kong huwag ng ipabasa sa iba. Masama ang lagay ko ngayon. Sana nga nasa hospital na lang ako at bigyan nila ako ng gamot para makatulog. Sa totoo lang wala naman akong sakit. Hindi naman matindi ang ubo ko, buong araw akong masaya. Buong araw akong nakikipagtawanan sa iba’t ibang tao na ang iba ay ngayon ko lang rin nakilala. Sadyang hindi nga ata palaging masaya. Minsan bigla kang uupo sa malambot mong kama at bigla kang matitigilan. Pinili kong magtagalog dahil napupuno ang utak ko ngayon ng mga salitang hindi ko naman ginagamit ng madalas. Naguumapaw ang nararamdaman ko ngayon. Marami gustong mamutawi sa bibig ko ngunit hindi ko alam kung paano ko masasabi ng malinaw. Gusto kong humilig sa pader na malamig at makining ng mga malulungkot na kanta para lang mailabas ko ang gusto kong sabihin. Pinili kong lumakad ng kaunti kanina. Sumugod at nilabanan ang lamig na baka sakali maibsan ang bigat ng loob ko. Unti-unti din akong sumuko. Naglakad pabalik kung saan ako nagmula. Gusto kong isigaw, gusto kong umiyak ng malakas, gusto ko ng kahit anong makakapagpagaan sa pakiramdam ko ngayon. Sumasakit ang puso ko ng literal. Hindi ko alam kung dahil ba sa sobrang nasaktan ako sa nalaman ko kanina o sadyang hindi ko kaya yung pakiramdam nanaman na ganito, na parang tinutunaw ka, na para kang nauupos na kandali, na bawat galaw mo masakit, lahat masakit, lahat. Ang lungkot lungkot ko ngayon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging malungkot. Ayaw ko pa naman ng ganitong pakiramadam. Nakakapagod maging malungkot, nakakaubos ng oras at lakas. Marahil magiging walang kwenta nanaman akong kausap. Lalamunin nanaman ng kalungkutan ang buo kong pagkatao na muli’y nabuo na. Ngayon biglang sumilay ang ngiti sa labi ko, naisip ko kung maaaninag ko lang ang mukha ko ang pait siguro ng ngiti na yun. Naalala ko kasi na iba ang pag-ngiti sa pag-tawa un ang sabi nya. Madalas pinangingiti nya ako at madalas din naman nya akong pinatatawa. Hindi ko lang alam na ganito pala pag pinalulungkot ka nya. Sumilip ako sa bintana, natakot pa nga ako dahil madilim na, hindi na mawawala ang pagkaduwag kahit nasaan man akong lugar. Umiihip ng matindi ang hangin. Halos ang hirap huminga dahil sa lamig na dala nito na sa bawat pagsinghap mo parang mainit na apoy ang dumadapo sa pisngi mo. Nakita ko ang buwan, napakaganda nya, wari ko’y tinatanong nya ako kung bakit ako dumungaw para silipin sya. Naisip ko kung may buhay ba ang buwan malungkot din kaya sya? Nakakawalang gana kapag iisipin ko na balik nanaman ako sa dating gawi bukas. Dadaan nanaman ang mga gabi na luluha ako bago dalawin ng antok, at gigising sa umaga na mugto ang mata. Nasasaktan ako. Sobra na hindi ko maitago habang tinitipa ko ang mga letra. Naghuhumiyaw ang utak. Sinsabi sa akin na KAYA MO YAN. Pero nakikipagtalo din ang puso ko at sinasabi nyang PAGOD NA AKO. Kung ilang oras na akong nakasandig sa pader na nasa tabi ng kama ko habang namamaluktot dahil sa lamig hindi ko na alam. Natatakot ako.Oo. Bukas lilipas ang oras na hindi ko nanaman namamalayan. Bukas iba nanaman. Bukas bago nanaman. Alam ko kaya ko ngunit hihingi ako ng oras. Oras para bumalik ako sa dati. Oras para umiyak. Oras para malungkot. Kaya ko. Unti unti sabi ko sa sarili ko kaya ko. Hindi ko hawak ang puso nya, hawak ng iba. Hindi man nya matupad ang pangako nya skin, ayos lang. Kaya ko. Lumipas ang tatlongpung minuto. Hindi pa din nawawala ang sakit. Ipinapakiusap ko sa ITAAS kung maari bukas wala na. Mahal ko sya. Hindi ko palaging sinasabi pero mahal ko sya. Nakakalungkot. Nakakawalang gana. Nakakapanghina. Nakakapagod. Oo, napapagod na ako. Pagod na ako. Sana maging masaya ka. Yung totoong masaya, hindi mo lang minsan sinabi sa kin na malakas ako pero naniniawala ako dun na na malakas ako kaya wag na wag mo akong alalahanin. Kaya ko. Pwede naman maging malungkot di ba? Pwede naman umiyak? Hindi ako galit. Hindi ko minamasama lahat ng nangyari. Gusto ko lang masaya ka. Saka pagkatapos ng lungkot na ito. Maniwala ka muli akong ngingiti at tatawa. Hindi na nga lang ikaw ang dahilan. Hindi na ako maghihintay…..
:(
Posted by yeinechan at 7:00 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment